“Pag-usbong ng Liwanag”

Medium | 10.01.2026 19:21

“Pag-usbong ng Liwanag”

Alexandra Reighn R. Manganti

Follow

2 min read

·

Just now

Share

Sa likod ng ulap, may pusong nagtatanong.

Sa lilim ng gabi, luha’y umaagos, dumadaloy-

“Sino ba ako?” ang tanong na paulit-ulit. Hinanakit ng diwang nais umalpas, kumawala’t lumipad.

Ang kasarian ay hindi tanikala ng salita, hindi bilang, hindi kahon, hindi baon sa dusa.

Ito’y ilog na umaagos ayon sa agos.

Kaluluwang naglalayag sa daang may ligalig at unos.

Ngunit bakit tila piring sa mata ang lipunan?

Pinupulaan, hinuhusgahan, tinitimbang ang katawan.

Sa bigat ng paningin, sugat ay nananahan. Subalit sa puso’y may apoy na hindi mapigilan.

Ang kasarian ay himig, musika ng pag-iral, isang awit ng puso na likas at walang hanggan.

Get Alexandra Reighn R. Manganti’s stories in your inbox

Join Medium for free to get updates from this writer.

Subscribe

Subscribe

Ang sekswalidad ay apoy na umaalab, init ng damdamin na dalisay at tapat.

Sa pagtanggap ng sarili, unti-unting nahihilom, ang kirot na dating sugat, ngayo’y hamog sa alon.

Sa tapang na natutuklasan sa bawat hakbang.

Puno’y yumayabong, ugat ay lalong lumalalim at tumatatag.

Hindi madali, hindi tiyak ang daan. May tinik, may bato, may unos sa tagpuan.

Ngunit sa bawat pasakit, bawat patak ng pawis, may laya kang matatanaw sa dulo ng dilim.

At sa dapithapon, liwanag ang babalot,

Parang araw sa bundok na dahan-dahang sumisibol.

Ang pagiging ikaw ay hindi kasalanan, ito’y himala ng daigdig, biyaya ng kalangitan.

Kaya’t tumindig, ikaw na tala sa gabi. Ang liwanag mo’y gabay ng iba sa sandali.

Ikaw ay awit ng tapang, ng pag-ibig na buo,

isang sagisag ng liwanag sa mundong magulo.